Trust, performance ni Pangulong Marcos sumadsad sa fake news

MANILA, Philippines — Naniniwala ang Palasyo na dahil sa pagkalat ng fake news sa bansa kaya bumaba ang trust at performance rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang 2,400 respondents sa nasabing survey ay hindi kumakatawan sa sentimyento ng mahigit 100 milyong Filipino sa bansa.
Dapat anyang alamin kung ang mga respondents sa survey ay nakakatanggap ng totoong balita o naiimpluwensyahan lamang ng fake news at kung nakakarating ang tulong ng gobyerno sa kanila kaya naapektuhan ang kanilang opinyon laban sa Pangulo.
Mahigpit rin aniya ang kautusan ng Pangulo na labanan ang fake news dahil malaki ang epekto nito sa bansa lalo na sa ekonomiya at ngayong darating na eleksyon.
Tiniyak din ni Castro na patuloy na magtatrabaho si Pangulong Marcos, ipatutupad ang batas at hindi base sa sinasabi ng survey na hindi naman naaayon sa batas.
Base sa Pulse Asia survey, malaki ang ibinaba ng trust at performance ratings ni Marcos nitong Marso, 17% mula sa 42% noong Pebrero at 25% ng Marso, habang ang kanyang disapproval ay tumaas ng 21% mula sa 53%.
Si Vice President Sara Duterte naman ay gumanda ang trust at performance mula sa 52% sa 59% at ang kanyang disapproval rating ay bumaba mula sa 26% sa 16%.
- Latest