Imee tinawag si Chiz na ambisyoso

MANILA, Philippines — Tinawag ni Sen. Imee Marcos na ambisyoso si Senate President Francis “Chiz” Escudero kasabay ang pagtanggi na ginamit niya ang pagdinig sa Senado sa pulitika.
“Yung ginagamit para sa politika, nakakatuwa naman kasi alam naman natin na siya ‘yung ambisyoso. Ako ‘yung nakalimutan nga mangampanya na. Hindi ko alam, pero alam ko, mataas ang iniisip nun eh,” ani Marcos sa zoom interview ng mga mamamahayag kamakalawa.
Ipinunto ni Marcos ang pagpasok ng bagong Kongreso kung saan maghahalal muli ng bagong Senate President.
“Siyempre, bagong kongreso, siyempre, bago na naman ang Senate President. Siguro, baka natitense. Hindi ko alam, hindi ko alam. Pero alam ko, parating may plano ‘yun eh, marunong ‘yun eh,” ani Marcos.
Matatandaan na binatikos ni Marcos si Escudero matapos hindi lagdaan ang contempt order laban kay Special Envoy Markus Lacanilao dahil sa umano’y pagsisinungaling.
Bumuwelta naman si Escudero at sinabing ang mga “procedures” sa Senado ay ginawa upang mapangalagaan ang tamang proseso at integridad ng institusyon.
“For when procedures meant to safeguard due process and institutional integrity are ignored for media mileage or political ambition, that is when the credibility of the Senate is threatened,” maguginitang sinabi ni Escudero.
Sinabi rin ni Escudero na dapat tigilan na ni Marcis ang paggamit ng Senado para sa kanyang personal na “political objective.”
Kabilang dati si Marcos sa mga tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa para sa bagong Pilipinas ng administrasyon pero tumiwalag matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inimbestigahan din ng komite ni Marcos ang mga pangyayari sa pag-aresto kay Duterte.
- Latest