Abalos pabibilisin proseso ng OEC, contract verification ng OFWs
MANILA, Philippines — Isusulong ni dating DILG secretary at kandidatong senador Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang agarang reporma sa Overseas Employment Certificate (OEC) at sa proseso ng contract verification na inilarawan ng maraming OFWs bilang luma na, hindi epektibo, at labis na pabigat.
Sa isang dayalogo kasama ang mga OFW mula sa Middle East, Europa, at Asya, pinakinggan ni Abalos ang hinaing ng mga OFWs ukol sa mabagal na sistema ng appointment at mahabang pila para makakuha ng mga dokumentong kailangan bago sila makabalik sa trabaho sa ibang bansa.
Ang OEC ay nagsisilbing exit clearance upang masiguro na ang mga OFW ay dokumentado at protektado. Ngunit para sa marami, nagiging sagabal ito sa tagal ng proseso sa halip na proteksyon.
“Masakit isipin na ang simpleng requirement na ito ay ginagawang komplikado,” dagdag ni Abalos. “Kung mabibigyan ako ng pagkakataong magsilbi sa Senado, isusulong ko ang batas na magpapadali at magpapabilis sa prosesong ito.”
Ayon kay Ralph, isang OFW sa Gulf region, “Minsan mas madali pa magbakasyon sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas dahil ang contract verification pa lang, aabutin ng isang linggo hanggang isang buwan para lang makakuha ng appointment. Tapos pipila ka pa ng kalahating araw. Iba pa ang OEC.”
Dagdag ni Abalos, maraming OFW ang napipilitang gumamit ng kanilang bakasyon—na kadalasan ay walang bayad—para lang asikasuhin ang mga prosesong ito, na sana’y panahon para sa kanilang pamilya.
- Latest