Konsumo ng kabataan sa alcohol, tobako, vape isang epidemya

MANILA, Philippines — Nagdeklara ang mga doktor ng epidemya sa pagkonsumo ng alkohol at tobako, gayundin sa paggamit ng vape, bunsod na rin nang pagdami ng mga kabataang nalululong dito.
Sa isang pulong balitaan, binigyang-diin ni Dr. Hector Santos Jr., pangulo ng Philippine Medical Association na ang paninigarilyo ang nananatiling pangunahing sanhi ng preventable diseases at pagkamatay sa buong mundo.
Ayon kay Santos, ang paninigarilyo ay nagpapataas ng panganib sa cardiovascular complications gaya ng stroke at sakit sa puso, na pangunahing sanhi ng pagkamatay sa mga lalaki at mga babae.
Idinagdag pa nila na ang e-cigarettes at vape, na inaakalang healthier alternative sa sigarilyo ay mas nagiging popular sa mga Kabataan. Gayunman, sa halip na makabuti ay higit pa anila itong nakasasama sa kanilang kalusugan.
Sa datos mula sa Department of Science and Technology — Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), noong 2021, mahigit sa 37,000 kabataan ang gumagamit ng vape. Tumaas pa Ito sa higit 1,000% o sa 423,000 noong 2023 lamang.
Ayon kay Dr. Corry Avanceña ng Philippine Academy of Pediatric Pulmonologists, lumitaw sa kanilang pag-aaral, na mas maraming kabataan ang nagsimulang gumamit ng vape kaysa sa nag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd). Nangangahulugan aniya ito na tila mas may access pa sa kabataan ang vape industry kaysa sa DepEd.
Samantala, ang pagkonsumo naman ng alcohol ay naobserbahan din na nakakaapekto sa mga kabataan.
Ang bilang ng mga kabataan na umiinom ay dumoble sa loob lamang ng dalawang taon, o mula 1.06 milyon noong 2021 ay naging 2.21milyon noong 2023.
- Latest