Pagkatanggal ng Pinas sa ‘grey list‘ magpapalakas sa ekonomiya – Romualdez

MANILA, Philippines — Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos matanggal ang Pilipinas sa dirty money grey list ng Financial Action Task Force (FATF) na nakabase sa Paris, na pakikinabangan ng mga OFWs dahil bababa ang singil sa kanilang remittance na ipinapadala sa kanilang mga mahal sa buhay sa bansa.
Ayon kay Romualdez, ang malawak na epekto ng pagkakatanggal ng Pilipinas sa grey list ay hindi lamang sa mga OFW kundi maging sa mga nagnenegosyo sa bansa.
“By restoring our standing in the global financial community, we are removing burdensome restrictions, reducing transaction costs, and allowing financial flows to move more efficiently. This is particularly good news for our OFWs, whose hard-earned remittances will now be processed faster and with lower fees,” ani Speaker Romualdez.
Itinuturing naman ito ng Speaker bilang makasaysayang tagumpay ng administrasyong Marcos na isa umanong patunay ng pagsusumikap ng bansa sa pagkakaroon ng integridad sa pananalapi, transparency, at pandaigdigang pamumuno sa ekonomiya. Napasama ang Pilipinas sa FATF grey list noong Hunyo 2021 o noong nakaraang administrasyon.
Iginiit din niya ang malaking ambag ng Kamara sa pamamagitan ng reporma sa lehislasyon sa pagpapalakas ng anti-money laundering at counter-terrorism financing framework ng bansa, na kabilang sa pangunahing kondisyon para maalis ang Pilipinas sa listahan.
Para sa larangan ng pagnenegosyo, tinukoy ni Romualdez na mapapalakas nito ang tiwala ng mga mamumuhunan, makaka-engganyo ng foreign direct investment (FDI), at mapapaigting ang relasyong pangkalakalan para maiposisyon ang bansa bilang premyadong economic hub sa rehiyon.
- Latest