Duterte kinasuhan ng inciting to sedition ng CIDG

MANILA, Philippines — Kinasuhan ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Brigadier General Nicolas Torre III ng inciting to sedition at unlawful utterance si dating pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang pahayag na “pagpatay” laban sa mga incumbent senators.
“Alam niyo bagong Pilipinas na, eh. Hindi na pwede ‘yung mga gano’ng statements na kinabukasan joke only na lang,” ani Torre.
Ayon kay Torre, hindi magandang magbitiw ng salita na kinalaunan ay sasabihing “biro” lamang.
Sinabi ni Torre na maaaring seryosohin ng mga tagasuporta ng dating pangulo ang kanyang sinabi tulad na rin ng kanyang deklarasyon sa war on drugs.
“Nangyari na ‘yan eh, diba? Sabi niya pagpapatayin ang mga— diba? Pagpapatayin ang mga adik. Nangyari nga. Marami ngang nagpatayan,”ani Torre.
Nilinaw ni Torre na ang kanyang pagsasampa ng kaso laban sa dating pangulo ay bilang CIDG director, Filipino citizen at bilang isang pulis. Itinanggi rin ni Torre na mayroon siyang political motive.
Aniya labas na ito sa pulitika.
“Ang nakalagay doon sa statement ay maliwanag na enumeration ng violation of laws na nakasulat sa ating mga batas. Hindi pu-pwedeng lapastanganin na lang ‘yun ng ganun-ganon na lang, lalo na ng isang tao na palaging nasa limelight,” dagdag ni CIDG chief.
- Latest