Local absentee voting sa government employees, PNP, AFP at media, idaraos sa Abril

MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) kahapon na nakatakda nilang idaos ang local absentee voting (LAV) para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE) sa Abril.
Idaraos ang LAV sa Abril 28, 29, at 30, mula 8am-5pm.
Ayon sa Comelec, kabilang sa mga maaaring lumahok at mag-avail ng LAV ang lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan, mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), at media practitioners, kabilang ang kanilang technical at support staff na naka-duty kahit halalan.
Ang mga interesadong lumahok o mag-avail ng LAV ay maaaring maghain ng kanilang aplikasyon bago sumapit ang Marso 7, 2025.
Para sa government officials at mga miyembro ng AFP at PNP, maaari nilang ihain ang kanilang aplikasyon sa kanilang heads of offices, supervisors, commanders o opisyal na next-in-rank habang para naman sa mga miyembro ng media, maaari nilang ihain ang kanilang aplikasyon sa Office of the Regional Election Director - National Capital Region para sa mga nasa Metro Manila; sa Office of the City Election Officer for HUCs o independent cities sa labas ng NCR; o sa Office of the Provincial Election Supervisor para sa mga lugar na hindi nabanggit sa itaas.
Ang 90-day campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups ay nagsimula noong Pebrero 11 habang ang 45-day campaign period sa local candidates ay sa Marso 28.
Kapwa magtatapos ang panahon ng kampanyahan sa Mayo 10, 2025, o dalawang araw bago ang election day.
- Latest