P1.4 bilyong luxury vehicles, nakumpiska ng BOC sa Pasay at Parañaque

MANILA, Philippines — Aabot sa P1.4 bilyong halaga ng imported na luxury vehicles gaya ng Ferrari, Lamborghini, Maybach, at Maserati ang nadiskubre sa mga warehouse sa Pasay City at Parañaque City sa ikinasang operasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Bureau of Customs (BOC).
Unang nakatanggap ng impormasyon ang BOC-CIIS hinggil sa umano’y smuggled luxury vehicles na ibinebenta online kaya agad inalam kung may sapat na dokumento at kung nabayaran ang buwis sa ginawang pag-aangkat ng mga ibinebentang sasakyan.
Kinumpirma ni CIIS Director Verne Enciso na nadatnan ang mga luxury vehicles nang dumating ng kanilang team sa AC Che Gong Miao at nakita ang mga unit ng Ferrari LaFerrari, Lamborghini McLaren, Maserati, Rolls Royce, Mercedez Benz, Maybach, Range Rover, Bentley, Alphard, at Jeep Wrangler.
Habang sa TopCar Specialist and Trading Inc. ay may nakitang Rolls-Royce Cullinan, Ferrari SF90 Stradale and Mansory, Mercedes-Benz V-Class, Maybach, at BMW.
Ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio, aasahan ang mas agresibo pang pagkilos ng ahensya kontra smuggling.
Aminado naman si Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na kailangan pang paigtingin ang mga hakbang para masiguro ang pagsunod sa customs laws, rules and regulations, at upang masiguro ang tamang koleksyon ng buwis. Ikinandado pansamantala ang dalawang warehouse.
- Latest