Bong Go: Kailangan natin ng kakampi sa Senado na ipaglalaban ang Pilipino
MANILA, Philippines — Nanawagan si reelectionist Senator Bong Go sa taumbayan na suporta at ihalal ang mga kandidato na magiging kakampi niya sa Senado at tunay na ipaglalaban ang kapakanan ng mga Pilipino.
Idinaos ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ang opisyal na proclamation rally nitong Huwebes sa Club Filipino, Greenhills, San Juan City sa pangunguna ni dating Pangulo at chairman ng partido na si Rodrigo Roa Duterte.
Muling pinagtibay ng PDP ang pangako nitong itaguyod ang pambansang kaunlaran, mabuting pamamahala, at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Pinasalamatan ni Senator Go, chairperson ng Senate committees on health, on youth, and on sports, ang publiko sa kanilang patuloy na pagtitiwala at suporta.
“Sa lahat ng mga nandito, maraming salamat sa inyong suporta lalo na sa mga loyalista… Alam niyo, bilog ang mundo at may Panginoon tayo na hindi tayo pababayaan… Ayaw ko manira, hayaan na natin ang mga Pilipino ang humusga,” ani Go.
“Ipagpapatuloy ko ang pagseserbisyo sa inyo dahil ‘yan naman po ang aking sinumpaang tungkulin. Hindi po ako politiko na basta mangangako. Gagawin ko lang ang aking trabaho sa abot ng aking makakaya,” dagdag niya.
Ibinahagi ng mga kandidato ng PDP ang kanilang mga plataporma at binigyang-diin ang kanilang pangako sa pagtataguyod ng mga reporma na naaayon sa adbokasiya ng PDP-Laban.
“Pakiusap ko lang po, tulungan ninyo po silang lahat, the more na may kakampi tayo sa Senado, mas makatutulong tayo sa sambayanang Pilipino,” apela ng senador.
- Latest