Pantay na karapatan, oportunidad sa bawat pamilyang Pinoy itinutulak
MANILA, Philippines — Isinusulong ng Pamilya Ko Party-list ang pagkakaroon ng pantay na karapatan at oportunidad para sa bawat modernong pamilyang pilipino.
Kabilang dito ang mga live-in parents, OFW parents, blended families, adoptive families, at pati na LGBTQIA+ families.
Sa isinagawang kick-off ng kampanya ng party-list sa Tanay, Rizal, inisa-isa ng lead nominee na si Atty. Anel Diaz at second nominee na si Miguel Kallos ang kanilang plataporma kabilang na ang pagpapalawak ng serbisyo gaya ng tulong medikal sa mga non-traditional families.
Kung papalarin sa kongreso, nangunguna sa panukalang batas na itutulak ng party-list ang pagkakapantay pantay ng karapatan ng marital at non-marital children.
Isusulong din ang Domestic Partnership Law na nakatuon sa pagbibigay ng karapatan sa mga mag-live in partners at mga LGBTQIA+ na magdesisyon sa usapin ng medical consent at gayundin sa karapatang magka-mana.
Ikatlo sa priority measures ng Pamilya Ko Party-list ang pagtutulak ng legal framework sa surrogacy nang maiwasan itong magamit sa exploitation.
- Latest