Pinas ‘di kayang palayasin monster ship ng China – Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na dedepensahan ng Pilipinas ang teritoryo nito sa kabila ng pananatili ng monster ship ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, inamin naman ng Pangulo na walang kakayahan ang Pilipinas para paalisin ang monster ship, subalit mananatili pa rin ang presensya ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) para protektahan ang teritoryo ng Pilipinas.
“Well, we don’t have the means na paalisin. Hindi naman – buti kung mayroon tayong aircraft carrier na may kasamang destroyer, frigate, at saka submarine na papupuntahin natin doon para matulak silang palayo. Wala naman tayong ganoon,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Inamin din ni Marcos na kung sa palakihan at paramihan lang ng barko ay malayo pa rin tayo dito, subalit patuloy pa rin dedepensahan ang ating teritoryo, soberenya at teritorial rights sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ayon pa kay Pangulong Marcos, tuloy ang misyon ng PCG at Navy kahit ano pa ang gawin ng China.
Samantala, sinabi ng Pangulo na walang tugon ang China sa inilatag na kondisyon ng Pilipinas bago alisin ang Typhon Missile sa bahagi ng Luzon.
- Latest