Bong Go, umayuda sa mga kooperatiba sa Central Luzon
MANILA, Philippines — Bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa San Fernando City, Pampanga noong Huwebes, para personal na suportahan ang pamamahagi ng financial grants sa 47 micro scale cooperatives sa buong Central Luzon sa ilalim ng Malasakit sa Kooperatiba program.
Ang inisyatibang ito ng Cooperative Development Authority (CDA) ay layong bigyan ang micro at small cooperatives ng kinakailangang suporta upang mapanatili at mapalawak ang kanilang operasyon.
Binigyang-diin ni Senator Go ang kahalagahan ng mga kooperatiba sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagkakaisa ng komunidad.
“Alam ko pong hindi madali ang pagtataguyod ng isang kooperatiba—kailangan ng tiyaga, dedikasyon, at higit sa lahat, pagkakaisa. Kaya naman saludo po ako sa inyong lahat,” ani Go sa mga nagsidalo.
Anang senador, ang mga kooperatiba ay hindi lamang negosyo kundi isang salamin ng bayanihan ng mga Pilipino, kung saan ang mga miyembro ay nagtutulungan upang maiangat ang kabuhayan ng bawat isa.
Muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako na isusulong ang kapakanan ng kooperatiba sa pamamagitan ng mga panukalang batas at mga hakbang sa pagpopondo.
- Latest