‘Konektadong Pinoy’ Bill, palalakasin pa ng 3 amyenda ni Tol
MANILA, Philippines — Bumoto pabor sa “Konektadong Pinoy” Bill si Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino, na aniya’y lalong palalakasin ng tatlong amyenda na kanyang isinulong.
Pangunahin sa mga amyenda ni Tolentino ang prayoridad sa paghahatid ng internet services sa mga komunidad malapit sa mga paaralan sa mga liblib na lugar.
“Layunin ng susog na ito ang patas o equitable internet access sa buong bansa, lalo na sa mga rehiyon na walang sapat na imprastraktura, kung kaya’t nasasagkaan ang kanilang kaunlaran, edukasyon, at masaklaw na pamayanan,” ayon kay Tolentino, sa kanyang manifestation of vote sa plenaryo.
Hangad naman ng ikalawang amyenda ni Tolentino ang walang patid at tuluy-tuloy na data transmission sa panahon ng sakuna at kalamidad – lalo na sa frontliners at mga grupong nagsasagawa ng rescue at relief operations.
“Kailangang-kailangan po natin ito dahil ‘pag may kalamidad ang ating mobile networks at satellite phones ang nakakatulong,” ani kay TOL, na may mahabang karanasan sa disaster response management bilang dating chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at three-term mayor ng lungsod ng Tagaytay.
Ang ikatlong susog ni Tolentino ay naggagawad ng “mandatory discounts” sa mga estudyante sa pagbili ng digital communication at internet services.
- Latest