1,992 pang pangalan sa OVP secret funds pinapakalkal sa PSA
MANILA, Philippines — Ipinabeberipika ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa Philippine Statistics Authority (PSA) civil registry records ang 1,992 pangalan na iniuugnay sa P500 milyon confidential funds na ginasta ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
“May we request for the verification of the Civil Registry Documents (birth, marriage, and death) of the names in the attached list relative to the investigation being conducted by the Committee,” pahayag ni Manila Rep. Joel Chua sa kaniyang liham na ipinadala kay National Statistician and Civil Registrar General Claire Dennis Mapa.
Ang kahilingan ay ginawa ni Mapa kasunod naman ng report ng PSA sa umano’y hindi pagkakatugma sa unang batch ng mga pangalan sa P112.5 milyong confidential funds na ipinalabas ng Department of Education sa panahon ng termino ni VP Sara bilang Kalihim ng ahensiya noong 2023.
Sa kabuuang 667 pangalan na nasuri, 405 ang walang birth records, 45 walang marriage certificates at 508 walang death certificate.
Ang mga pangalan ay nasa Acknowledgement Recepits (ARs) na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).
“A certification that these names are not in the PSA database would bolster suspicions that they do not exist and that the ARs were fabricated to justify confidential fund expenditures by the OVP and DepEd under Vice President Duterte,” ani Chua.
Kabilang ang pangalang Mary Grace Piattos na napatunayang peke na wala kahit anong rekord sa PSA.
- Latest