‘Mamamahayag, haligi ng demokrasya’ - Bong Go

MANILA, Philippines — “As pillars of demo­cracy, members of the media play a critical role in ensuring transparency, accountability, and the free flow of information.”

Ito ang sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go, miyembro ng Senate committee on public information, sa kanyang pakikiisa sa Radio Mindanao Network Station Managers Confe­rence noong Miyerkules na ginanap sa Golden Phoenix Hotel sa Lungsod ng Pasay.

Nagsama-sama sa limang araw na kumpe­rensya ang 62 radio station management leaders sa buong bansa upang mapabuti ang kapakanan ng mga mamamahayag at brodkaster habang pinalalakas ang mga istasyon ng radyo sa bansa.

May temang “Revolutionizing Media Now”, itinampok sa okasyon ang kritikal na papel na gina­gampanan ng media sa pagsusulong ng transpa­rency, kalayaan sa pamamahayag at demokrasya.

Sinabi ni Go na ang mga okasyong tulad nito ay nagbibigay ng napakahalagang plataporma para sa pagtutulungan, pag-uusap, at pagpapalitan ng mga ideya.

Sa pagkilala sa mga sakripisyo at hamong kinakaharap ng mga manggagawa sa media, inihain ni Go ang Senate Bill No. 1183,  kilala rin bilang “Media and Entertainment Workers Welfare Act.”

Layon nito na bigyan ng pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga benepisyo ang media practitioners, kinabibila­ngan ng health insurance coverage, overtime and night differential pay at iba pang insentibo.

Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11996, na kilala rin bilang ‘Eddie Garcia Law,’ na kasama ako sa pag-akda,” pahayag ni Go.

Tinitiyak ng batas na ito ang mas magandang kondisyon sa pagtatra­baho para sa mga mang­gagawa sa entertainment at binibigyang-diin ang mga kontribusyon sa kultura at ekonomiya ng sektor na ito sa ating bansa.

Show comments