MANILA, Philippines — Hinimok ni Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez ang Bureau of Customs (BOC) na ipawalang bisa ang 25-year contract sa pagitan ng gobyerno at isang private corporation para sa operasyon ng x-ray machines na ginagamit sa inspeksyon ng mga kargamento.
Sa pagdinig ng quad committee ng Kamara, ginisa ni Fernandez sina dating BOC commissioners Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon kung bakit pinayagan ang Golden Sun Cargo Examination Services Corp., isang private corporation, na mangasiwa sa x-ray machines sa Mindanao Container Terminal (MCT).
Binigyang-diin pa ni Fernandez na ang mga x-ray machines ay nakapwesto sa labas ng examination area ng BOC kaya posibleng nakakapasok ang mga iligal na droga, smuggled rice at iba pang produkto.
“Kaya tayo napapasukan ng maraming droga dahil you allowed the x-ray to be operated by a private company that operated outside of the premises of the government,” diin ni Fernandez.
Iginiit naman ng dalawang dating opisyal na inireport nila ang isyu kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin din nila na hindi nila kinansela ang 25-year contract sa Golden Sun Cargo na nilagdaan noong 2012 at tatagal hanggang 2037.
Sa record ng Securities and Exchange Commission (SEC), nakatala bilang pangulo ng Golden Sun Cargo si Noe B. Taojo habang board of directors sina Cherylyn Uy, Josue Tesado, Ramon Edison Batacan, at Socorro Ermac Cabreros as board of directors na pawang may residential addresses sa Davao City.
Sinabi pa ni Fernandez na ang may-ari ng Golden Sun, ay ang mga negosyanteng sina Dennis Uy at Michael Yang.
Binigyang-diin ni Fernandez na malinaw na ang kontrata ay hindi makabubuti sa gobyerno at patuloy na nawawalan ng kita ang gobyerno na pinayagan naman ng BOC.