Pangulong Marcos: ‘Yan ay aking papalagan’

President Ferdinand Marcos Jr. delivers his third State of the Nation Address (SONA) on Monday, July 22, 2024 during the joint session of the 19th Congress at the Plenary Hall of Batasang Pambansa in Quezon City.
Photos by KJ Rosales / The Philippine STAR

Sa ‘kill threat’ ni VP Sara

MANILA, Philippines — Pinalagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang banta ni Vice-President Sara Duterte na ipapatay siya kasama sina First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ng Pangulo, na lubhang nakakabahala ang mga pahayag ni Duterte na parang napakadaling magplano ng pagpatay ng isang Presidente.

Tanong pa ni Marcos, kung ganun lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente paano pa kaya ang mga karaniwang mamamayan.

“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? ‘Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas,” ayon kay Pangulong Marcos.

Giit pa ni Marcos papalagan niya ang mga ganitong pagtatangka dahil bilang isang demokratikong bansa dapat ay panatilihin ang rule of law.

Bilang Pangulo ­aniya ng executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ay may sinumpaang tungkulin na tutuparin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ang mga batas.

Anya, kung sinagot lang sana ni Duterte ang mga tanong ng mga mambabatas kung paano niya ginastos ang confidential funds ng kanyang tanggapan, hindi na sana hahantong sa ganitong drama.

“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan.

“Imbes na derechahang sagot, nililihis pa sa kwentong chicheria,” pahayag ni Marcos.

Hangad naman ng Pangulo na matuldukan na ang mga pangyayaring ito sa paraang matiwasay at magdadala sa katotohanan.

Sa kabila ng mga batikos, sinabi niya na nakatuon pa rin ang kanyang atensyon sa pamamahala sa bansa.

Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Marcos matapos ang pagbabanta ni Duterte.

Show comments