Mga pasyenteng may leptospirosis magtungo rin sa ibang ospital — DOH
MANILA, Philippines — Maaaring magtungo sa ibang pagamutan ang mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis, at huwag nang magsiksikan sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at San Lazaro Hospital, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado.
Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na kayang-kaya rin ng iba pang pagamutan na gamutin ang pasyente ng leptospirosis at ginagawa rin ang dialysis.
“Hindi lang NKTI at San Lazaro Hospital ang ospital sa Metro Manila. Ang tawag po diyan ay health system. Mayroon tayong isang malaking health system na maraming ospital. Isa na doon yung NKTI of course, San Lazaro pero nandiyan yung East Avenue Medical Center, nandiyan ‘yung Philippine Heart Center, Philippine Orthopedic Center and the list goes on,” ani Domingo.
Sinabi pa ni Domingo na hindi kailangang dalhin palagi sa NKTI ang pasyente kahit kilala ang ospital at mga espesyalista sa kidney.
“’Wag nating kalimutan na hindi lang NKTI ang gumagawa ng dialysis. Ang dialysis ginagawa ‘yan sa halos lahat kundi lahat ng ospital. At meron ding freestanding dialysis centers,”aniya pa.
Payo rin niya sa mga nakakaramdam ng sintomas na magtungo muna sa mga health center upang matukoy kung ang sakit ang tumama sa kanila bago magtungo sa ospital.
Pagtitiyak pa ni Domingo, kaya ng health system ng bansa na tugunan ang tumataas na mga kaso ng leptospirosis.
Sa pinakahuling tala, nasa 70 ang na-admit sa NKTI nitong Biyernes.
Dahil din ito sa hiling ng NKTI na dagdagan ang nurses ng 20 at 10 pang medical doctors , na nagawa namang padalhan na ng DOH hospitals at Philippine Red Cross.
Simula Hulyo 1 hanggang 27 ay umakyat na sa 1,400 ang kaso ng leptorpirosis, aniya pa.
Inaasahan aniyang, aakyat pa ang bilang dahil maaring umabot ng isang buwan ang incubation period ng leptospirosis.
- Latest