Pag-asa, suporta inihatid ni Bong Go sa mahihirap sa Caraga
MANILA, Philippines — Noong Sabado, hinatiran ni Senator Christopher “Bong” Go ng pag-asa at suporta ang nasa 2,250 mahihirap na residente sa Caraga, Davao Oriental.
Ang kanyang pagbisita ay kasabay ng pagdiriwang ng 121st Araw ng Caraga at 2nd Kaan Silatan Festival.
Namahagi si Go at ang kanyang Malasakit Team ng food packs, shirts, basketballs, volleyballs, masks, vitamins, at bags sa mga benepisyaryo sa RSO Compound sa Barangay Poblacion. Nakatanggap din ang mga piling benepisyaryo ng mga bisikleta, mobile phone, relo, at sapatos.
Samantala, sa pakikipagtulungan ng kapwa Senador Robin Padilla at Francis Tolentino, Congressman Nelson Dayanghirang, Mayor Ronnie Osnan, at lokal na pamahalaan, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa pambansang pamahalaan upang masuportahan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Kinilala ni Go ang mga opisyal sa kanilang patuloy na paglilingkod sa mga nasasakupan, kabilang sina Congressman Dayanghirang, Vice Governor Nelson Dayanghirang Jr., Board Members Andy Monday at Tata Nuñez Castro, Mayor Osnan, at Vice Mayor Melody Anne Benitez, bukod sa iba pang naroroon.
Sa kanyang kapasidad bilang vice chairperson ng Senate committee on finance, sinuportahan din ni Go ang iba’t ibang hakbangin sa lungsod, kabilang ang pagpapagawa ng ilang kalsada, konstruksyon ng Davao Oriental Sports Complex, rehabilitasyon ng Buso Hot Spring Park, at konstruksyon ng Public Park/Eco-Tourism Park.
- Latest