MANILA, Philippines — Inilunsad ni 4th district Quezon Cong. Atorni Mike Tan ang health promotion program na magpapabuti sa kalusugan ng mamamayan para mabawasan ang pagkalat ng mga lifestyle disease tulad ng diabetes, hypertension, cancer at iba pa at mabawasan ang gastusin sa gamutan.
Sinabi ni Cong. Mike na magastos ang magkasakit dahil sa maraming abala sa pamilya at hanap buhay.
Dahil dito kaya hinihikayat ng kongresista ang lahat kanyang ka-distrito na makibahagi sa health promotion activities para sama-samang itaguyod ang isang malusog at maunlad na pamayanan.
Ayon pa sa Assistant Majority Leader ng Kamara, ang malaking gastusin sa pagpapa-ospital ay isa sa malaking problemang kinakaharap ng health sector na maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng mga programa para sa health promotion.
Ang aktibidad na tinawag na Health Quezon 4D ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor mula sa 10 bayan ng 4th district ng Quezon.
Tampok dito ang pagsasagawa ng mga pisikal na aktibidad tulad ng Spin class, Tai Chi, isang uri ng kalmadong pag eehersisyo na naaangkop sa lahat ng tao anuman ang edad at napatunayang mahusay sa katawan at nakakatulong labanan ang ilang uri ng karamdaman, at nutrition seminar.
Ipinagkaloob din ni Cong. Mike ang ilang stationary bikes sa piling mga bayan na maaaring magamit ng publiko sa kanilang pag-eehersisyo ng walang bayad.