Walang trabaho sumipa sa 2.04-M; job quality pinakamalala sa 9 na buwan

MANILA, Philippines — Umakyat patungong 4% ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Abril 2024, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Naitala ito kasabay ng pinakamataas na underemployment simula Hulyo noong nakaraang taon.
Ang mga walang trabaho, na siyang naitaya sa 2.04 milyon, ay bahagyang mas mataas kumpara nitong Marso.
"This was lower than the reported unemployment rate in April 2023 and January 2024, both at 4.5 percent," wika ng PSA ngayong Huwebes.
Narito ang resulta ng kalalabas lang na April 2024 Labor Force Survey:
- unemployment rate: 4%
- walang trabaho: 2.04 milyon
- employment rate: 96%
- may trabaho: 48.36 million
- underemployment rate: 14.6%
- underemployed: 7.04 million
- labor force participation rate: 64.1%
- labor force: 50.4 milyon
Kapansin-pansing bumaba nang kaonti ang employment rate noong naturang buwan mula sa 96.1% noong Marso.
Samantala, makikitang sumirit naman ang underemployment rate patungong 14.6%, bagay na pinakamataas mula noong maabot ang 15.9% siyam na buwan na ang nakalilipas.
Tumutukoy ang underemployment sa porsyento ng mga Pilipinong naghahanap ng karagdagang trabaho o karagdagang oras sa trabaho. Ginagawa ito ng ilan sa tuwing hindi nakasasapat ang sinasahod na pera.
Dahil dito, itinuturing na bumababa ang kaledad ng mga umiiral na trabaho sa tuwing tumataas ang porsyento ng underemployed.
"On average, employed persons worked 40.5 hours per week," dagdag pa ang PSA, na siyang mas mataas sa 40 oras kada linggo na nakasaad sa Labor Code. Ibig sabihin, karaniwan ang pag-o-overtime ng mga empleyado.
"This was higher than the average hours worked in a week in April 2023 at 36.9 hours, but lower than the average hours worked in a week in January 2024 at 42.1 hours."
Bicol Region ang nakapagtala ng pinakamataas na unemployment rate sa buong Pilipinas sa 5.4, habang Zamboanga Peninsula naman ang may pinakamababa sa 2.3%.
Miyerkules lang nang maibalitang tumaas ang inflation rate patungong 3.9% dahil sa pagtulin ng pagsirit ng presyo ng mga serbisyo gaya ng kuryente at transportasyon.
Lumabas ang balitang ito matapos pumalo sa 14.2% ang self-rated hunger ng mga pamilyang Pilipino, ayon sa pag-aaral ng Social Weather Stations.
- Latest