MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa Araw ng Kagitingan kamakalawa, iginiit ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang sakripisyo ng mga bayaning Pilipino laban sa tinaguriang “gentleman’s agreement” na ipinipilit ng China hinggil sa hidwaan sa Ayungin Shoal.
Sa Ayungin Shoal nakatigil ang BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng mga kawal na Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Tolentino, kailangan nating protektahan ang ating bayan at hindi dapat isuko ang ating kasarinlan dahil sa mga sinasabing dahilan ng Tsina.
Sa Araw ng Kagitingan aniya, lahat ng sakripisyo ng ating mga ninuno, kasama na ang ating mga kamag-anak na nasa death march, ay hindi maaaring balewalain sa gitna ng pagpipilit ng China sa umiiral umano na “gentleman’s agreement”.
Sinabi ni Tolentino na itinanggi na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sinasabing “gentlemans agreement” kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa pamamagitan ni dating Presidential legal counsel Salvador Panelo. Taliwas ito sa pagkumpirma sa kasunduan ni dating Presidential spokesman Harry Roque.
Gaya ng pag-amin ng China at ni Roque, ang gentleman’s agreement ay verbal lamang. Sinabi ng mambabatas na dapat itong idokumento na may transcript ng mga pag-uusap upang mapagtibay ng Senado.
Kung hindi ito nakasulat, sabi ni Tolentino, hindi ito itinuturing na isang kasunduan na naratipikahan ng Senado alinsunod sa ating Konstitusyon kaya walang kasunduan na dapat pag-usapan.