MANILA, Philippines — Umabot na sa tatlong Pilipino ang sugatan kaugnay ng magnitude 7.4 na lindol sa Taiwan noong Miyerkules, bagay na pumatay na sa siyam na katao at naka-injure sa mahigit 1,000 iba pa.
Ito ang ibinahagi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairperson Silvestre Bello III sa panayam ng ANC ngayong Huwebes. Ang MECO ang tumatayong representative office ng Pilipinas sa Taiwan.
"Sa mga namatay, wala po[ng Pilipino]. Walang namatay na kababayan natin," balita ni Bello kanina.
"Sa mahigit 1,000 mga injured, tatlo lang ang kababayan natin ang affected... minor injuries lahat 'yan."
Kabilang sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na sugatan ay sina Sylvia Reyna, Arnold Gonzales at isa pang hindi pa pinangangalanang Pilipino.
Sinasabing naipit ang kamay ni Reyna sa gitna ng lindol habang tinamaan naman ang ulo ni Gonzales sa pagbagsak ng kanilang kisame.
"Back-to-normal" naman na aniya ang Taiwan sa ngayon maliban sa epicenter ng lindol 18 kilometro timog ng Hualien City. Wala aniya sa Hualien ang mga sugatan na Pilipino nang mangyari ang insidente.
"We have about 1,400 plus na OFW diyan sa Hualien county... Most of them are factory workers. Pero meron din sa kanila mga skilled workers at farmers, meron din," dagdag pa ni Bello.
"Maliban doon sa tatlo na nabanggit ko... wala nang ibang kababayan natin, mga OFW, na apektado o kasama sa mga casualties. 'Yun lang tatlo 'yung reported pa lang."
Marcos admin handanng tumulong sa OFWs
Tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga manggagawang Pilipino sa Taiwan na handa ang gobyerno ng Pilipinas magbigay ng tulong sa gitna ng sakuna.
"We stand ready to assist and support our fellow Filipinos in Taiwan in any way possible during this difficult period," sabi ni Marcos sa isang pahayag kahapon.
"Our hearts are with the people of Taiwan as they endure the aftermath of today’s powerful earthquake."
Ang lindol kahapon ang pinakamalakas maatapos ang magnitude 7.6 earthquake na nangyari noong Setyembre 1999, bagay na pumatay noon sa 2,400 katao.