MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na umaabot na mahigit 135 pang barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) ang naispatan sa Julian Felipe Reef, na matatagpuan sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Ayon sa PCG, naunang tinaya na ang mga barko ay nasa 125, o pagtaas mula sa dating 111 noong Nob. 13, 2023.
Natuklasan ang pagdaragdag ng mga barko sa lugar nang atasan ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagde-deploy ng PCG vessels na BRP Sindangan at BRP Cabra nitong Sabado malapit sa reef upang magpatrulya.
Anang PCG, niradyuhan ng PCG ang mga CMM vessels ngunit hindi tumugon ang mga ito.
Sa kanilang pagtaya, lalo pa umanong nadagdagan ang mga barko at umaabot na sa mahigit 135.
Ang Julian Felipe Reef ay matatagpuan may 175 nautical miles, kanluran ng Bataraza, Palawan at ikinukonsiderang low-tide elevation na sakop ng territorial sea ng relevant high-tide features ng Kalayaan Island Group.