MANILA, Philippines — Hindi nagpapadikta ang Pilipinas sa Estados Unidos hinggil sa mga dapat gawin laban sa China sa isyu sa West Philippines Sea.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar, may sariling pag-iisip at desisyon ang pamahalaan sa kung paano tugunan ang mga isyu sa WPS at hindi kailangan magpaimpluwensiya sa Amerika.
“Tayo po ay isang malayang bansa at meron tayong foreign policy na independente. So sa akin, parang malaking insulto iyon. Sinasabi nila na dinidiktahan tayo ng ibang bansa sa ating ginagawa,” ani Aguilar.
Maituturing umanong insulto sa Pilipinas kung sasabihin nagiging sunud-sunuran ang bansa sa desisyon ng Amerika.
Nilinaw din ni Aguilar na tanging ang Pilipinas lamang ang magsasagawa ng rotation and resupply mission.
“It is for our country to make sure that we fulfill our responsibility being bestowed by the sovereign rights and jurisdiction to ensure that we are able to harvest, or to benefit from the resources therein,” dagdag pa ni Aguilar.
Ani Aguilar, kailangan na tiyaking na naipatutupad ng maayos ang mga environmental protection programs kasabay ng pagbibigay proteksiyon sa bansa laban sa mga mananakop.