DFA tiwala sa desisyong magtapon ng Japanese nuclear waste sa Pacific Ocean

Protesters hold signs reading "Fukushima-Daiichi nuclear power plant, Don't throw radioactive contaminated water into the sea!"(R) as they take part in a rally outside the Tokyo Electric Power Company (TEPCO) headquarters building in Tokyo on August 24, 2023, against the Japanese government's plan to release treated wastewater from the crippled Fukushima-Daiichi power plant into the ocean.
AFP/Kazuhiro Nogi

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng tiwala ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtataya ng United Nations International Atomic Energy Agency (IAEA) na "walang dapat ikabahala" sa plano ng Japan magpakawala ng radioactive waste sa Karagatang Pasipiko.

Una nang kinastigo ng mga mangingisdang Pinoy ang plano ni Japanese Prime Minister Kishida Fumio na magtapon ng 1.3 milyong metrong tonelada ng "treated wastewater" mula Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa silangan ng Pilipinas.

Magsisimula ang pagtatapon pinakamaaga ngayong araw, Huwebes.

"The Philippines continues to look at this issue from a science- and fact-based perspective and its impact on the waters in the region," wika ni Department of Foreign Affairs spokesperson Ma. Teresita Daza sa state-owned media. 

"As a coastal and archipelagic State, the Philippines attaches utmost priority to the protection and preservation of the marine environment."

 

 

Matatandaang tinamaan ng matinding lindol at tsunami ang Fukushima nuclear plant noong Marso 2011, dahilan para mamatay ang nasa 18,000 katao sa isa sa pinakamatinding atomic disaster sa kasaysayan.

Nakapagkolekta naman na ang TEPCO — ang nagmamay-ari ng planta — ng 1.34 milyong metrikong tonelada ng tubig na ginamit para palamigin ang natitirang radioactive reactors nito. Sinasabing kasindami ng 500 Olympic swimming pools ang tubig.

"The Philippines recognizes the IAEA's technical expertise on this matter. The Japanese government this week decided to initiate the discharge into the sea on August 24," dagdag pa ni Daza.

"This follows the IAEA report saying the plan is consistent with relevant international safety standards."

Una nang sinabi ng TEPCO na "pinalabnaw" na ang tubig at sinala para matanggal ang lahat ng radioactive substances maliban sa tritium, ang huli mas mababa raw sa peligrosong antas.

'DENR, BFAR dapat manindigan'

Hinimok naman ng militanteng grupo ng mangingisda na PAMALAKAYA ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na palagan ang pagpapakawala ng treated radioactie wastewater sa Pacific Ocean ngayong araw.

"Ang ating mayamang karagatan at ekosistema nito ang posibleng maaapektuhan ng pakakawalang treated radioactive wastewater ng Japan. Kaya malaki ang inaasahan sa BFAR at DENR na pumosisyon laban sa nagbabadyang delubyo na ito," ani Ronnel Arambulo, vice chairperson ng PAMALAKAYA.

"Nagsalita na ang mga mamamayan ng mga karatig-bansa ng Japan sa pangmatagalang masamang epekto ng pagpapakawala ng radioactive waste."

"Sapat na batayan na ito para tumindig at magpahayag ng pagtutol dito ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan."

Aniya, dapat daw ay agad suriin ng DENR at BFAR ang saklaw ng karagatan at yamang-dagat na maaapektuhan kung sakaling mapadpad sa katubigan ng Pilipinas ang mga kemikal.

Makatutulong din daw ang ganitong pag-aaral para mapalakas ang batayan ng pagtutol at pormal na pagsasampa ng reklamo kung kakailanganin.

Una nang nangangamba ang PAMALAKAYA na makaabot ng Bicol Region at Philippine Rise, isang resource-rich region, ang naturang treated wastewater. Hindi rin daw malayong maapektuhan nito ang industriya ng pangingisda.

Humihingi pa ang Philstar.com ng pahayag sa mga marine biologists tungkol sa isyu ngunit hindi pa rin tumutugon sa ngayon.

Show comments