MANILA, Philippines — Nananatili pa rin sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang nasa 30 Chinese militia vessels at barko ng Chinese Coast Guard, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni PCG adviser for maritime security, Commodore Jay Tarriela nitong Sabado, na batay sa isinumiteng incident reports, naispatan noong Pebrero 21 ang mga nasabing barko sa Ayungin at Sabina Shoals sa isinagawang maritime domain awareness (MDA) flight.
Nabatid na 26 Chinese vessels ang nakapaligid sa Sabina Shoal, samantalang apat na militia vessel ang nasa Ayungin.
Ipinakita rin ng PCG ang video kung saan maririnig na pinapaalis sa lugar ang PCG sa kabila ng nasa loob ito ng EEZ ng Pilipinas. Idinagdag pa ng PCG na ilang ulit na nakatanggap ang kanilang eroplano ng ‘radio challenge’ at sinagot din nila ang Chinese.
Ito’y sa kabila ng diplomatic protest na inihan ng Department of Foreign Affairs laban sa China matapos ang laser-pointing incident sa BRP Malapascua malapit sa Ayungin Shoal, kung saan ilang miyembro ng PCG ang dumanas ng pansamantalang pagkabulag dahil sa laser.
Isusumite ng PCG ang mga nakalap na ebidensiya sa DFA at bahala na umano ang ahensya kung muling maghahain ng diplomatic protest.