MANILA, Philippines — Ilang kumpanya sa industriya ng nicotine ang nagsimulang gumamit na ng mga makabagong teknolohiya para gumawa ng mga alternatibong produkto na may lubhang mas maliit na peligrong dulot kumpara sa sigarilyo.
Ito ay matapos mapatunayan ng mga siyentipikong pag-aaral na ang pagsunog sa sigarilyo, at hindi nicotine, ang lumilikha ng mga mapanganib na kemikal na nagdudulot ng pagkakasakit.
Kinumpirma din ng mga health institutions sa Estados Unidos, United Kingdom, Canada, Germany, Netherlands, Ukraine, Japan, China at New Zealand na ang mga alternatibong produkto tulad ng vapes at heated tobacco products ay may lubhang maliit na idinudulot na panganib.
Binigyan diin ni Mark Kehaya, chairman ng AMV Holdings LLC na gumagawa ng vape products sa Estados Unidos, ang kahalagaan ng pagbibigay ng mas mainam na produkto kaysa sigarilyo para bawasan ang pagkakasakit ng mga tao. Ayon kay Kehaya, mahigit 30 milyong Amerikano pa din ang naninigarilyo na kailangang tumingin sa mga makabagong produkto tulad ng vapes at heated tobacco products, kung wala silang balak huminto.
Pinag-aaralan din aniya ng industriya ng nicotine kung paano mapapabuti ang nicotine delivery, ang lasa at ang mga sangkap para mas paboran ang mga bagong produkto ng mga naninigarilyo na walang intensyon na tumigil.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang tumanggap sa mga makabagong alternatibo. Ang PMFTC Inc., ang lokal na kumpanya na bahagi ng Philip Morris international, ay nagpakilala ng smoke-free products tulad ng IQOS at ng mas murang BONDS by IQOS.
Ang mga device na ito ay ginagamit para sa mga espesyal na idinisenyong tobacco stick na tinatawag na HEETS at BLENDS. Ang mga produktong ito ay hindi nangangailangan ng pagsunog ng tabako at hindi nagdudulot ng usok. Pinapainitan lang ang tobacco sticks para makapag-release ng vapor o aerosol. Ayon kay George Cassels-Smith, CEO ng kumpanyang Tobacco Technology Inc., ang susi sa paglutas ng suliranin sa paninigarilyo ay ang patuloy na pagbabago at paghingi sa awtoridad ng mas maayos na regulasyon.