MANILA, Philippines — Muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta para sa institusyonalisasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagsasabing naging epektibo ito sa pagtugon sa lokal na insurhensiya at pagpapanumbalik ng kapayapaan sa mga lugar na puno ng kaguluhan sa bansa.
“Sinusuportahan ko ang pag-institutionalize ng ELCAC. At kung gusto nila, ‘pag wala na ‘yung insurgency, i-abolish na rin po nila, i-abolish na rin po ang ELCAC, okay naman po... ‘pag tapos na po ‘yung insurgency,” ani Go matapos siyang dumalo sa Mandatory Continuing Legal Education para sa mga abogado ng Public Attorneys’ Office sa Pasay City.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangang tulungan ng pamahalaan ang task force sa pagsasakatuparan ng mandato nitong hikayatin ang mga dating rebelde na manumbalik sa lipunan at tulungan ang gobyerno na makamit ang kapayapaan sa bansa.
Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 ang Executive Order No. 70 na nag-institutionalize ng whole-of-nation approach para makamit ang inclusive at sustainable na kapayapaan.
Nang tanungin tungkol sa panukala ng ibang mambabatas na bawasan ang badyet para sa NTF-ELCAC at i-realign ito sa ibang ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways para sa kanilang mga programang pangkaunlaran, sinabi ni Go na may mga malalayong komunidad sa bansa na hindi naaabot ng mga programa ng gobyerno. Maaaring punan ng NTF-ELCAC ang mga kakulangan sa mga ganitong pagkakataon, dagdag ni Go.