MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ceremonial signing ng mga kontrata para sa South Commuter Railway Project (SCRP) sa Jose Rizal Plaza, Calamba City, Laguna.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na ang proyekto ay isang patunay na seryoso ang gobyerno sa pagpupursige sa mga malalaking proyekto na mahalaga sa pagpapanatili at pag-unlad ng ekonomiya.
Pinasalamatan ni Marcos ang Asian Development Bank (ADB) at Japan International Cooperation Agency para sa co-financing ng railway project.
Ang SCRP ay bahagi ng 147-kilometer North-South Commuter Railway network na mag-uugnay sa Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa 2028.
Noong Hunyo, inaprubahan ng ADB ang USD4.3 bilyon upang tumulong sa pagtatayo ng linya ng tren na nag-uugnay sa Metro Manila at Calamba City.
Ang railway system ay magkakaroon ng 18 stations na babagtas sa Manila City, Makati City, Taguig City, Parañaque City, Muntinlupa City, San Pedro City, Biñan City, Santa Rosa City, Cabuyao City, at Calamba City.
Ang proyekto, na binubuo ng 56 kilometro sa pagitan ng Maynila at Laguna, ay magbabawas sa oras ng paglalakbay sa pagitan ng dalawang lugar mula tatlong oras hanggang isang oras lamang at kayang maka-accommodate ng 340,000 pasahero kada araw.