NCAP tigil muna, SC naglabas ng TRO  

This file photo shows the Supreme Court compound in Padre Faura, Manila.
Philstar.com / Erwin Cagadas

MANILA, Philippines — Pansamantalang ipinatigil ng Supreme Court ang implementasyon ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa ‘no-contact apprehension policy (NCAP)’ sa pagpapalabas kahapon ng ‘temporary restraining order (TRO)’ laban dito.

Sa en banc session ng Supreme Court kahapon, pinagbigyan nito ang petisyon para maglabas ng TRO na inihain ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon Inc. (KAPIT) at iba pang transport groups laban sa mga siyudad ng Manila, Quezon City, Valenzuela City, Parañaque City, Muntinlupa City at sa Land Transportation Office.

Inaksyunan din ng SC ang petisyon ni Atty. Juman Paa na pinatawan ng P20,000 multa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil sa kaniyang bayolasyon sa NCAP.

Epektibo ang TRO kahapon ng hapon na magpupuwersa sa mga lokal na pamahalaan na ipahinto ang pagpapatupad nito hanggang hindi naglalabas ng bagong kautusan ang mataas na korte.

Ipinagbabawal na ang panghuhuli sa pamamagitan ng NCAP at mga kaha­lintulad na ordinansa at ang pagpapamulta sa mga motorista na makukunan ng CCTV camera na umano’y lumalabag sa batas trapiko.

Itinakda ng SC sa ­Enero 24 sa susunod na taon pa ang oral argument para sa legalidad ng NCAP.

Samantala, sinabi ni Terry Ridon, Infrawatch PH convenor at dating House transportation committee member, asahan nang darami ang traffic violators at pasaway na motorista ngayon pansamantalang  pinatigil ng Korte Suprema ang Non Contact Apprehension Program (NCAP).

Ayon kay Ridon, posible rin umanong dumami ang aksidente sa kalsada gayundin ang pangogotong at korapsiyon.

Ani Ridon, nalutas ng NCAP ang mga isyung tulad nito sa ilang mga lungsod. Naitaas din ang moral ng mga traffic enforcers.

Umaasa sila na ikokonsidera ng SC na ituloy ang implementasyon ng NCAP habang dinidinig ang petisyon.

Samantala, nirerespeto ng Quezon City go­vernment ang temporary restraining order na inilabas ng Sumpreme Court hinggil sa NCAP program.

Ayon sa QC LGU, dahil sa NCAP bumaba ang traffic violations ng may 93 percent sa lungsod dahil nadisiplina ang mga motorista.

Malaki ang paniwala ng lokal na pamahalaan na ang implementasyon ng NCAP ay tama at legal.

Nanindigan din ang pamahalaang lungsod ng Maynila na walang mali sa NCAP.

Sinabi ni Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna na naniniwala ang liderato ng Maynila na tama at wasto ang paggamit ng makabagong teknolohiya para sa ­episyenteng serbisyo sa lahat ng mamamayan.

Gayunman, susunod anya sila sa kautusan ng SC.

Pero dahil sa mga petisyon na may problema umano sa NCAP, sinabi ni Abante na nararapat lamang na pag-aralang mabuti sa korte ang naturang mga puna para mabigyan ng solusyon.

Show comments