DOH na-'appreciate' Anti-Ghosting bill sa pag-highlight ng mental health

A young man carrying flowers walks past heart-shaped balloons for sale at a flower market on Valentine's Day in Manila on February 14, 2017.
AFP/Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Positibong sinalubong ng Department of Health (DOH) ang paghahain sa kontrobersyal na "Anti-Ghosting" bill, pero aminado silang marami pang dapat trabahuhin para makapagsalita sa epekto ng gawi sa kalusugan.

Ika-30 kasi ng Hunyo nang ihain ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ang House Bill 611 para ideklarang "emotional offense" ang ghosting — o ang bigla-biglaang pagputol ng kuneksyon sa isang tao (kadalasan sa konteksto ng romantikong relasyon). 

Una nang sinabi ni Teves na ang ghosting ay "mentally, physically" at "emotionally exhausting" para sa naiiwan sa ere, bagay na nagdudulot daw ng trauma at negatibong epekto sa mental state ng na-ghost. 

"[W]e appreciate 'yung effort of Rep. Teves to highlight the importance of mental health, lalo na sa mga kabataan natin ngayon," wika ni Deputy Health spokesperson Beverly Ho, Huwebes, sa isang media forum.
 
"For which alam natin in our hotline numbers, issues on relationships are top three reasons for why young people would actually call... our help lines from the National Center for Mental Health."

"This is very much appreciated but we need to do more staff work on this."

 

 

Kontrobersyal ang HB 611 ngayon lalo na't walang anumang parusa o penalty para sa mga mapapatunayang nang-ghost. Walang kulong, walang multa, walang kahit ano.

Dine-define din ng panukalang batas ang ghosting bilang porma ng emotional abuse na nangyayari sa isang taong nasa isang "dating relationship with the opposite sex." 

Dahil diyan, hindi nito sakop ang mga miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community.

Ang tanging kinikilalang "dating relationship" ng HB 611 ay ang mga nasa relasyong namumuhay na parang mag-asawa ngunit hindi kasal. Hindi klaro kung kinikilala nitong dating relationship ang mag-jowa na nasa magkaibang bahay.

"I think this has to be situated in the overall programs that we have on mental health. We will defer further discussion on this kasi this will require staff work," dagdag pa ni Ho.

"Ghosting is a very, I guess, very cultural, casual term. But in terms of how we address mental health issues, we always need to reflect it to technical terminologies."

"So medyo kailangan pa ng pag-aaral dito."

Si Teves, na naghain ng batas, ay siya ring promotor ng HB 610 na naglalayong palitan ang pangalan ng Ninoy Acquino International Airport (NAIA) patungo sa "Ferdinand E. Marcos International Airport.”

Si dating pangulong Marcos Sr. ay kilalang diktador na siyang nagdeklara ng Martial Law noong 1972 hanggang Dekada '80, dahilan para makulong ang 70,000, ma-torture ang 34,000 at mapatay ang 3,200, ayon sa Amnesty International— may mga ulat mula kay Xave Gregorio

Show comments