MANILA, Philippines — Dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig kaugnay sa umano’y anomalya sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, pinatawan ng “contempt’ ng Senado at ipinapaaresto ang ilang personalidad na sangkot dito kabilang si Rose Nono Lin.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi dumalo si Lin sa ika-18th na pagdinig subalit ayon kay Gordon, chairman ng komite na ilang beses namamataan si Lin na umiikot para mangampanya dahil tumatakbo itong kongresista sa Quezon City, subalit hindi nagpapakita sa Senado.
Bukod kay Lin, kabilang sa pinatawan ng contempt at pinag-utos ang agarang pag-aresto sina Sophia Custodio, Dennis Manalastas, Jayson Uson at Gerald Cruz habang sa kasalukuyan ay naka-contempt pa rin si dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao.
Sinabi naman ni Blue Ribbon director general Atty. Noel Quimbo na nagpadala ng liham ang abogado ni Lin kung saan pinapaalam na ang kanyang kliyente ay mayroong gastric illnesses at mayroon din COVID-19.
Subalit tanong naman ni Gordon bakit nagdadahilan si Lin sa tuwing mayroong pagdinig ang kanilang komite.
Ang pagdinig ay kaugnay sa maanomalyang pagbili ng gobyerno ng COVID supplies sa Pharmally noong 2020.