MANILA, Philippines — Maagang naglagay ng mga checkpoints ang mga awtoridad sa boundaries ng NCR Plus areas upang maiwasan ang exodus o pag-uuwian ng mga tao sa mga lalawigan, na maaaring magresulta sa pagkalat pa lalo ng Delta variant.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, malaki ang posibilidad na samantalahin ng mga tao sa Metro Manila ang mas maluwag pang quarantine upang makalabas at makauwi ng probinsiya.
Binigyang-diin ng kalihim na wala pang bansa sa Southeast Asia ang nakapagpatigil sa Delta variant nang hindi nagpatupad ng hard lockdown sa mga pangunahing lungsod.
Talaga aniyang nakakatakot ang Delta variant.
Nilinaw naman ni Año na ang mga taong kailangan talagang bumiyahe ay maaaring magprisinta sa checkpoints ng identification cards na inisyu ng IATF o anumang valid ID o dokumento na magpapatunay na ang biyahe nila ay mahalaga.
Sa Agosto 6-20 pa iiral ang ECQ sa Metro Manila ngunit Linggo pa lamang ng madaling araw ay nagtayo na ng checkpoints sa borders ng Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija, Rizal at Quezon; Laguna at Quezon; Cavite, Quezon at Batangas.
Sa sandali aniyang umiral ang ECQ ay maglalagay na rin ng checkpoints sa loob ng Metro Manila.