MANILA, Philippines — Muling nag-alburoto sa galit si Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes, matapos isiwalat ang diumano'y katakot-takot na bilang ng drug users sa ngayon sa Pilipinas habang gumagamit ng datos na imposibleng maging katotohanan.
Ito ang lumalabas kung pakikinggang maigi ang talumpati ni Digong kasama ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ika-19 ng Oktubre.
"I’d like to report to you that according to the [Dangerous Drugs Board], there are about 167 million or two out of 100 people, Filipinos aged 10 to 69 [who] are current users of drugs," sabi ni Duterte kagabi.
Sobra sa bilang
Sinabi niya 'yan kahit na 109.6 milyon pa lang ang populasyon ng Pilipinas ngayong 2020, ayon sa datos na inilabas ng United Nations Population Fund (UNFA).
Pinasisinungalingan din mismo ng datos ng gobyerno ng Pilipinas si Duterte. Ayon sa huling population census ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2015, nasa 100.98 milyon pa lang ang tao sa Pilipinas.
Dahil diyan, sobra pa ng 57.2 milyon sa kabuuang populasyon ng Pilipinas (kasama ang mga bata't sanggol) ang sinasabing "drug users" ni Duterte kung gagamitin ang 2020 data ng UN.
Kung gagamitin ang 2015 official population estimate ng gobyerno, sobra-sobra ng 66.02 milyon ang pinagsasabing datos ni Digong.
Pero in fairness, tila nalito lang naman ang pangulo. Kung titignan ang tunay na datos ng DDB, 1.67 milyon ang sinasabing drug users at hindi 167 milyon. Nanggaling ang nasabing datos mula sa survey ng DDB na inilabas noong ika-14 ng Oktubre, 2020.
Roque says Duterte's remark about 167 million drug addicts caused by a typographical error @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) October 20, 2020
"In the past, ‘yung panahon nila [dating PNP chief Ronald] Dela Rosa, umabot ‘yan ng almost 4 million. And how much has been reduced in the use of shabu? I really do not know until now. But we are still in the thick of the fight against shabu," dagdag ng presidente ng Pilipinas, na kilala sa pagkakalat ng pekeng impormasyon.
Ang bilang na 4 million ay estima na si Duterte ang nagbigay noong 2017. Ayon sa Dangerous Drugs Board noong 2016, ang bilang daw ng Pilipino na nakagamit na ng iligal na droga — hindi nangangahulugan na nalulong na o na madalas gumamit — ay nasa 1.8 milyon.
Noong 2019, inestima rin ni Duterte na ang bilang ng gumagamit ng droga sa Pilipinas ay nasa 8 milyon, bagay na sinabi ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency na "may batayan".
Basahin: Fact check: Duterte says Constitution doesn't require health disclosure
May kaugnayan: Roque sa tip ni Duterte na 'i-disinfect ng gasolina ang mask': Kayo naman, joke only
"In the end, it will destroy the nation. If this is allowed to go on and on, and if no decisive action is taken against them, it will endanger the security of the state," dagdag pa ng pangulo sa kanyang televised speech.
Nangyayari ang lahat ng ito sa gitna ng madugong gera kontra droga ni Duterte, bagay na pumatay na sa 5,856 katao, ayon sa huling estimates ng PDEA na inilabas nitong Setyembre.
Malayo 'yan sa mahigit-kumulang 27,000 drug killings na nabanggit ng Commission on Human Rights (CHR) noong Disyembre 2018. Mas mataas na 'yan dapat ngayon.
"Kaya kung may patayan diyan, sabi ko ako ang… Hold me — you can hold me responsible for anything, any death that has occurred in the execution of the drug war," sambit pa ni Digong, pero huwag daw sanang magbintang sa kanya ng "random killings."
Kamakailan lang nang sabihin ng presidente na wala pa raw talaga siyang pinapatay na tao, bagay na kontra sa pinagsasabi niya ilang taon bago tumakbo sa posisyon.
Sa kabila ng mga mali-maling datos na sinabi ni Duterte hinggil sa drug users kapag hinambing sa populasyon, kasalukuyang nagpapatuloy ang panibagong population census ng PSA para sa taong 2020.