^

Bansa

BFAR: Inarestong relief volunteers sa Bulacan 'mali ang gamit' sa ECQ food pass

James Relativo - Philstar.com
BFAR: Inarestong relief volunteers sa Bulacan 'mali ang gamit' sa ECQ food pass
Kuha nina dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao at ilang volunteers na inaresto sa Bulacan dahil diumano sa paglabag sa lockdown measures.
Released/Kilusang Mayo Uno

MANILA, Philippines — Kinundena ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang diumano'y maling paggamit ng ilang aktibista sa ibinigay nilang "food pass" habang ipinatutupad ang Luzon-wide lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19).

Ika-19 kasi ng Abril nang arestuhin sa COVID-19 checkpoint ng Philippine National Police (PNP) ang pitong aktibistang nagtungo sa Norzagaray, Bulacan para sa isang relief operation.

Hinarang ang mga sumusunod kahit na may ipinakitang food pass mula sa BFAR, at inirereklamo dahil sa diumano'y paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ).

"Gusto lang namin idiin na na inilalabas lang ang Food Passes ay ibinibigay para payagan ang madaling paglabas-masok ng mga sasakyang nagdadala ng pagkain at agri-fishery products sa quarantine areas patungong palengke," sabi ng BFAR sa isang pahayag sa Inggles.

"Hindi saklaw ng DA-issued Food Pass ang relief goods at iba pang interventions."

Aminado naman ang BFAR na ibinigay nila ang food pass, na ipinangalan kay Pamalakaya chairperson Ferdnando Hicap, noong ika-17 ng Abril matapos nilang magsumite ng lahat ng kinakailangang dokumento sa Department of Agriculture-BFAR.

Humaharap sa reklamong paglabag sa Article 142 ng Revised Penal Code o inciting to sedition, Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at Proclamation 922 ang mga nabanggit, na volunteers ng Sagip Kanayunan at Tulong Anakpawis.

Haharap din daw sa paglabag ng Article 177 ng RPC o usurpation of authority si dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, na kasama rin ng mga volunteers.

Una nang kinundena ni Interior Undersecreary Jonathan Malaya ang ginawa ng Anakpawis, lalo na't nahulihan sila ng mga "anti-government propaganda" na hindi naman labag sa batas.

"May araw din ang Anakpawis sa korte. Tinitiyak ng [Department of the Interior and Local Government] sa kanila ang due process. Sa korte sila magpaliwanag," dagdag ni Malaya.

Mahigpit na naghihigpit ngayon ang gobyerno sa paglabas-labas sa bahay, lalo na palabas ng Metro Manila, matapos ipatupad ang ECQ sa pagsusumikap na hindi kumalat ang virus.

Bawal? Relief ops tinukoy sa aplikasyon

Bagama't sinasabi ng BFAR na hindi sakop ng food pass ang paghahatid ng relief goods sa mga quarantine areas, hindi naman 'yan tumutugma sa mga dokumentong nakuha ng PSN.

Sa kopya ng "foodlane accreditation application form" ng Pamalakaya na isinumite sa BFAR, malinaw na tinukoy nina Hicap na "relief mission" ang pakay nila sa pagkuha ng pass, bagay na inaprubahan naman ng bureau.

"Nung mag apply kami ng food pass sa BFAR, inilagay namin na sa application form na ang 'nature of business' ay para sa 'relief operations,' na kinilala at inaprubahan naman ng BFAR," ani Hicap sa isang panayam.

Aniya, noong una pa lang ay alam na ng BFAR na pagdadala ng pagkain sa mga apektadong komunidad ng ECQ ang kanilang pakay.

Dahil dito, ipinagtataka ng mga militante ang statement ng DA-BFAR.

Paniwala tuloy ng Pamalakaya, hindi malayong "sinabon" ng gobyerno ang BFAR sa pagbibigay sa kanila ng food pass, na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang tumawid sa mga checkpoint ng pulis at militar.

"[P]inaninindigan naman naming ligal, otorisado, at dumaan sa tamang proseso ang aming aplikasyon, nang sa ganun ay hindi maantala ang aming relief operations," sabi pa ni Hicap.

Kasama ni Casilao na naaresto sina Karl Mae San Juan,  Marlon Lester Gueta, Robero Medel, Eriberto Peña Jr., Raymar Guaves at Tobi Estrada.

ANAKPAWIS

LOCKDOWN

NOVEL CORONAVIRUS

PAMALAKAYA

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

RELIEF OPERATIONS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with