MANILA, Philippines — Tumakas sa isang ospital ang isang dayuhang Amerikano na nag-positibo sa coronavirus disease sa Legazpi City, Albay.
Sa kaniyang Facebook account, kinilala ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang dayuhan na si Richard Gary Tauscher, 52, na umeskapo sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.
Sinabi ni Salceda na si Tausche ay dinala sa BRTTH pero ayaw nitong makipagkooperasyon sa mga doktor at nurse para gumaling sa COVID 19 hanggang sa madiskubre nitong Marso 25 na tumakas ito.
Nabatid na si Tauscher ay may nobyang Bicolana na nakatira sa lungsod ng Legazpi kung saan ito nanunuluyan.
Nanawagan sa netizens ang mambabatas na agad ipagbigay-alam sa BRTTH, pamahalaang lungsod ng Legazpi, PNP Legazpi at Department of Health sakaling magawi sa kanilang lugar ang dayuhan na delikadong makapanghawa pa ng virus.
Pinasuyod na ni Legazpi City Police Chief Lt. Colonel Aldwin Gamboa sa kanyang mga tauhan ang mga barangay sa lungsod upang hanapin ang Amerikano na COVID 19 carrier at inalerto na rin ang iba pang bayan sa Bicol Region.