Para ‘di kumalat ang virus
MANILA, Philippines — Iniutos ni Isabela Governor Rodolfo Albano III ang agad na paglibing sa mga patay mula 24 oras hanggang tatlong araw upang maiwasan ang pagbuklod ng maraming tao sa mga lamayan na banta sa pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Albano na isa sa mga potensiyal na pinagmumulan ng pagkahawa sa COVID-19 ay ang pagdadalo sa burol ng patay na malimit dinadaluhan ng mga bisitang mula ibang bansa at lugar na may kumpirmadong kaso ng Pandemic.
Aniya, dahilan ng mahabang burol ng namatayan ay ang kawalan ng pera upang maipalibing agad ang yumao.
Dahil dito napipilitan magpasugal ang mga naulila upang makaipon ng “tong” na pandagdag sa gastos ng pagpapalibing.
Upang maibsan ang pagdadalamhati, nag-alok si Albano sa mga naulila ng pinansiyal na tulong o di kaya kabaong at pagpapalibing sa yumao.
Sinai rin niya na ang guidelines sa maiksing burol ay habang umiiral lamang ang Enhanced Luzon Community Quarantine na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maibsan ang pagkalat ng COVID-19.