AFP tutulong sa pagtugis sa 80 pang ‘at large’ sa Maguindanao massacre
MANILA, Philippines — Tutulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine National Police (PNP) na tugisin ang 80 pang akusado sa Maguindanao massacre na patuloy na nakakalaya matapos na mahatulan ng guilty sa karumal-dumal na krimen.
“Where the AFP’s help is needed, in the interest of peace and order to protect our people and secure the state, we will commit all available resources to locate and arrest fugitives from justice,” pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo.
Nitong Huwebes ay hinatulan ni Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon ng walang pardon o parole ang limang miyembro ng pamilya Ampatuan at 23 iba pa.
Habang 15 ang pinatawan ng hanggang 10 taong pagkakakulong dahil sa pagiging ‘accessories’ sa krimen at 55 ang napalaya kasama na ang isa pang kapatid ng mga Ampatuan.
Kaugnay nito, inihayag naman ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac na nakahanda ang PNP na bigyang seguridad ang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre kung hanggang ngayon ay may natatanggap ang mga itong banta sa kanilang buhay.
Kailangan lang dumulog ang mga ito sa PNP para mabigyan ng security detail.
Nilinaw naman ng opisyal na hanggang dalawang security escorts lamang ang maaring ibigay ng PNP sa mga pamilya ng mga biktima.
- Latest