MANILA, Philippines — Inaalam pa ng Department of National Defense ang napaulat na pag-aaligid ng mga barko ng China sa Ayungin Shoal kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hinihintay pa ng kaniyang tanggapan ang report ukol dito.
Una rito, iniulat ng AFP Western Command ang panibagong presensya ng mga barko ng China kabilang ang Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal simula pa noong Agosto 1 kung saan minomonitor umano ang galaw ng militar ng bansa na nagbabantay sa mga inookupa nitong isla sa lugar.
Ang Ayungin Shoal ay kabilang sa mga isla na inookupa ng Pilipinas sa West Philippine Sea na binabantayan ng ng tropa ng Armed Forces of the Philippines sa BRP Sierra Madre, ang lumang barko na ginawa ng mga itong himpilan sa isla.
Sa ulat ng militar, naispatan ang mga barko ng Chinese Coast Guard sa lugar umpisa noong Agosto 1 sa loob ng tatlong araw bago ito nawala matapos na maubusan ng supply at muling nagbalik dito.