VP camp nabahala sa abogado ni Marcos

MANILA, Philippines — Lantaran na umano ang ginagawang pag-impluwensiya ng abogado ni Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginagawang manu-manong recount sa resulta ng halalan sa posisyong vice president.

Ito ang ipinaalam ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal sa kanilang Second Manifestation of Grave Concern na inihain noong Martes ng mga abogadong sina Romulo Macalintal at Maria Bernadette Sardillo.

Ayon kina Macalintal at Sardillo, nakakabahala ang aksiyon ng abogado ni Marcos na si Joan Padilla sa revision area ng Presidential Electoral Tribunal noong Abril 13.

Sa manifestation ng kampo ni Robredo, sa halip na obserbahan lang ang ginagawang recount, nag-ikot umano si Padilla sa revision area at pinagsabihan ang PET Head Revisors na ipatupad ang 50-percent threshold percen­tage sa kanilang pagbusisi sa balota.

Inutusan din umano ni Padilla ang head revisors na ilagay ang resolusyon ng PET sa bawat sulok at sa bawat mesa sa revision area.

Narinig din umano si Padilla na inuutusan ang Head Revisors na huwag nang ikumpara ng Revision Committees ang boto ng bawat partido na nakatala sa Election Returns.

Tumigil lang daw si Padilla nang kunin ang atensiyon ng PET Head Revisors.

Ayon kay Macalintal, ang ginawa ni Padilla ay hindi lang nakaabala sa proseso kundi ito’y isang pagkilos para impluwensiyahan ang PET Head Revisors.

Una nang kinuwestiyon ng kampo ni Robredo ang paggamit ng 50-percent threshold ng Head Revisors, kahit pa 25 porsiyentong threshold lang ang ginamit ng Commission on Elections noong 2016 elections.

Nababahala ang kampo ni Robredo na mauuwi ito sa kabawasan ng boto na kanyang nakuha noong nakaraang eleksiyon.

Show comments