MANILA, Philippines — Dumating kahapon ang 23 OFWs galing Kuwait sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at inaasahang nasa 230 iba pa ang darating sa bansa.
Makatatanggap sila ng P20,000 livelihood assistance at P5,000 cash assistance mula sa pamahalaan, subalit makukuha nila ito mula sa mga regional office ng Overseas Workers Welfare Administration.
Ang mga OFW na taga-Luzon ay ihahatid o bibigyan ng perang pamasahe ng OWWA, habang ang mga taga-Visayas at Mindanao ay bibilhan ng ticket sa barko o eroplano.
Ang 23 OFWs ay ilan lang sa libu-libong manggagawa na pawang mga undocumented, overstaying OFWs na pumayag sa Kuwait’s amnesty program noong January 29 at matatapos sa February 22.
Samantala, 34 OFW mula naman sa Jeddah, Saudi Arabia, ang nakauwi na rin sa Pilipinas.
Karamihan sa kanila ay nagtrabaho bilang electrician, technician, at tubero na hindi nakakuha ng “iqama” o residence permit.
“Dalawang buwan silang nakatengga dahil nagkautang ang kumpanyang kanilang pinasukan,” pahayag ni Lynol Fulgencio ng OWWA repatriation and assistance division.
Hindi mapagkakalooban ng P5,000 cash assistance ang mga OFW na umuwi mula sa Jeddah dahil para lamang ito sa mga sumailalim sa amnestiya.
Gayunman, maaari silang makakuha ng P20,000 livelihood assistance subalit ipoproseso muna nila ito sa OWWA regional offices.
Sasagutin din ng OWWA ang pamasahe nila pauwi sa mga kani-kanilang mga probinsya. (Butch Quejada/Lordeth Bonilla)
Related video: