MANILA, Philippines – Posibleng mawalan ng trabaho ang nasa mahigit sa 1,000 contractual at job order employees ng Bureau of Immigration (BI) matapos na i-veto ni Pangulong Duterte ang paggamit ng express lane na kinokolekta ng ahensya para magpasuweldo sa mga ito.
Ito ang sinabi ng mga opisyal ng Immigration Officers’ Association of the Philippines (IOAP) kaya’t umaapela ito sa administrasyong Duterte at sa Department of Budget and Management (DBM) na pag-aralang mabuti ang magiging epekto nito sa buong bansa.
Giit ng mga ito, hindi malayong maparalisa ang operasyon ng mga international airports, subports, field offices at sa main office nito sa Intramuros, Manila dahil sa kabuuang bilang ng mga empleyado ng ahensya na nasa 4,000, 900 dito ay pawang contractual, casual at job order workers.
Idinagdag pa ng mga ito na may kakulangan pa ang BI ng mahigit sa 2,000 empleyado kaya kung hindi na mare-renew ang kontrata ng mga contractual, JOs at casual ay siguradong magkukulang umano ang mga tauhan nito na magbabantay sa mga paliparan at pantalan.
Sinabi ng mga ito na mahigit sa P1.2 bilyon kada taon ang kinikita ng BI mula sa express lane fees na nagagamit para pampasuweldo sa mga confidential agents at overtime services ng mga empleyado ng BI.
Dahil dito ay hindi na kinukuha ang pampasuweldo at OT sa mga empleyado sa kaban ng bayan.
Banta pa ng IOAP na dahil sa malawakang pagsibak sa mga contractual, casual at JOs ay hindi malayong samantalahin ng mga wanted na dayuhan at mga terorista na makapasok ng bansa.