MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Quezon City Mayor Herbert Bautista bilang taga-Pangulo ng Regional Peace and Order Council sa National Capital Region mula ngayong taon hanggang 2019.
Ito ay makaraang aksiyunan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon sa kanya ni DILG Secretary Ismael “Mike” Sueno na maitalaga si Bautista sa posisyon. Ito ay bunga naman ng utos ng Malakanyang sa DILG na reorganisahin ang RPOC alinsunod sa probisyon ng Executive Order 773.
Sa isang pagpupulong ng mga miyembro ng RPOC secretariat na ginanap sa QC Hall, inihayag ni Mayor Bautista ang plano na palawakin ang tungkulin ng RPOC-NCR upang tugunan ang mga problema sa pambansang seguridad at pagsugpo sa kriminalidad.
Nakatakdang makipagpulong sa susunod na mga araw si Mayor Bautista sa Metro Manila Mayors at sa mga Chief of Police ng NCR.
Ayon kay Bautista, ang lahat ng malilikha mula sa serye ng consultative meeting ay kanilang isusumite kay Pangulong Duterte para sa interes ng mamamayan.