CAMARINES NORTE, Philippines – Namatay ang 28-anyos na bank teller matapos itong malunod habang naliligo kasama ang kanyang mga kaibigan sa seawater ng Purok 4, Barangay San Roque sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Ramil Boncay, binata at tubong Doña Carmen Subdivision sa Brgy. Opias, Tayabas City, Quezon at pansamantalang naninirahan sa Gov. Panotes Avenue, bayan ng Daet, Camarines Norte.
Nabatid na dakong alas-2 ng hapon nang maligo ang biktima sa dagat subalit napadpad sa malalim na lugar kaya nagsisigaw ito.
Kaagad namang sinaklolohan ng kanyang kaibigang si Magno Eje, kasama ang ilang miyembro ng Philippine Coast Guard.
Agad na isinugod sa Leon Hernandez Hospital sa bayan ng Daet subalit idineklarang patay ang biktima.