Speech ni Pres. Rody hinangaan sa Kongreso

Nailuklok nang pangulo ng Pilipinas si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos ang pormal na panunumpa nito kahapon sa Malacañang na sinaksihan ng kanyang mga anak na sina Paolo, Sarah at Sebastian. Ang bunsong anak na si Veronica ang humawak ng Bibliya sa kanyang panunumpa.

MANILA, Philippines - Parehong umani ng mga papuri mula sa mga mambabatas sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang inaugural speech ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte matapos ang kanyang panunumpa bilang ika-16 Pa­ngulo ng Pilipinas kahapon.

Sa Kamara, napa­hanga si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, dahil sa  ‘direct to the point’ at walang halong pagpapanggap na talumpati ng Pa­ngulo kung saan pinakabuod dito ay ang paglalatag ng mga polisiya sa krimen, korapsyon, foreign policy at peace process. Ito umano ang inaasahan ng marami sa anim na taong paglilingkod ni Duterte sa bansa. Aniya, bagama’t maikli lamang ang talumpati ni Duterte, nagbigay naman ito ng pag-asa sa publiko at pagbabalik tiwala sa gobyerno.

Sinabi rin si Iloilo Rep. Jerry Trenas, ang pagtitiyak ni Duterte na tutuparin ang mga ipinangako nito noong halalan ay indikasyon na ang bagong pamahalaan ay para sa mga tao.

Sa Senado, pinuri ni Senador Edgardo Angara ang talumpati ni Pres. Rody dahil sa pagiging “simple, maiksi, at madaling maintindihan ng lahat”.

Ayon kay Angara, kapwa naging maganda ang talumpati nina Duterte at ng bagong bise presidente ng bansa na si Leni Robredo.

 Sinabi  ni Angara na magandang panimula para sa termino ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang kani-kanilang mensahe at dapat tumulong ang mga mamamayan dahil mabigat ang kinakaharap nilang problema.

“Sakaling pagtagum­payan ni Pangulong Duterte ang laban sa red tape, ang krimen, korapsyon at kahirapan at magawang mas palusugin pa ang ekonomiya, ito ang titiyak sa tagumpay ng kanyang administrasyon,” ani Angara.

 Ayon naman kay Senator Ralph Recto, “presidential, persuasive, at purposeful” ang naging talumpati ni Duterte.

 Inihalimbawa ni Recto sa isang magandang damit ng babae ang talumpati ni Duterte na tama lamang ang haba upang takpan ang kinakailangang takpan, pero maikli upang maging “interesting”.

Show comments