MANILA, Philippines – Mainit ang pagtanggap kay Daang Matuwid presidentiable Mar Roxas ng bumisita ito kahapon sa ilang lugar sa Rizal province. Sinalubong ni Antipolo City Mayor Jun Ynares si Roxas sa Kapitolyo ng Probinsiya kasama ang daan-daang supporter nito. “Yung iba madalas bumisita rito sa’tin dahil kailangan pang magpapogi. Itong ating bisita hindi na kailangan magpapogi,” sabi ni Ynares.
Ihinayag din ni Ynares na malaki ang naitulong ni Roxas sa probinsiya ng Rizal habang kalihim pa ito ng DILG.
“Nung nasa DILG siya napakadaming tulong ang umabot dito sa ating lalawigan,” kuwento nito.
Kahit hindi hayagang inindorso ni Mayor Jun-Jun Ynares si Roxas ay naki-flash ng “Laban” sign si Ynares kasama ang ibang mga mayor.
“Hindi excitement ang hinahanap natin. Ang hinahanap natin, ‘yung may subok na kakayahan na dalhin tayo sa magandang bukas,” sabi ni Mayor Jun Ynares.
Samantala, inindorso naman ni Binangonan mayor Boyet Ynares si Roxas.
“Ang Binangonan ay suportado po kayo,” sabi ni Ynares. Ikinatuwa ni Roxas ang nakuhang suporta mula sa Rizal. “Magkasama tayo dito sa mahalagang laban na ito, at nakita rin natin sa kung tayo’y magkasama, walang hadlang sa ating pagkamit ng ating tagumpay,” sabi ni Roxas.?Nagpasalamat ang mga residente ng Taytay kay Roxas dahil nabigyan nito ng solusyon ang problema ng Arienda at Manggahan floodway ng personal na tawagan ni Roxas ang National Housing Authority upang pagalawin ito.