Muslim, Cebu at Ifugao sumuporta kay Binay

Vice Presidente Jejomar Binay Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines – Isang koalisyon ng mahigit 40 grupong Muslim sa buong bansa ang umendorso sa kandidatura ni Vice Presidente Jejomar Binay dahil siya lang anila ang makakapagsakatuparan sa pangarap ng mga mamamayan ng Muslim Mindanao.

“Sa mga kandidatong presidente, si Binay lang ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan sa Mindanao. Hindi siya nakitaan ng pagkamuhi sa mga Muslim,” paliwanag ni One Bangsamoro Movement (1BANGSA) convenor Maulana Ba­langi kamakailan.

Dahil namatay na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa ilalim ng administrasyong Aquino, maaaring isagawa muli ang pag-uusap kay Binay para matupad ang pangarap na Bangsamoro.

“Ang gusto na BBL ni Binay ay inclusive. Pwede kami mag-lobby sa kanya ukol dito,” sabi ni Balangi.

Ilang lider ng sektor ng Muslim ang nanawagan sa mga botante na piliing mabuti ang mga kandidato sa halalang pampanguluhan sa Mayo 2016.

“Huwag tayo magpalinlang sa matatamis na salita at pangako sa eleksyon. Ibigay natin ang ating boto lamang sa tingin natin ay para sa ating bayan, para sa BBL,” sabi naman ni Bae Saripah Omar ng Bangsamoro Women’s Association.

?Noong Pebrero 1, si dating GSIS Governor Winston Garcia na kumakandidatong gobernador ng Cebu ay nagpahayag na siya at ang Once Cebu party ay nagpasyang suportahan si Binay sa halalang pampanguluhan.

“Siya (Binay) lang ang higit na may karanasan para pamunuan ang Pilipinas sa susunod na anim na taon,” paliwanag ni Garcia.

Kinumpirma rin ng United Nationalist Alliance na nagdeklara rin ng suporta kay Binay si Ifugao Governor Dennis B. Habawel na isang miyembro ng Nacionalista Party.

Ayon kay UNA Secretary General Atty. JV Bautista, pormal na ipinangako ni Habawel ang pangunguna ni Binay sa “Solid North” na merong limang milyong botante.

Sa pulong-balitaan sa Baguio City, idinin ni Habawel na si Binay lang ang pinakakuwalipikado para matugunan ang iba’t-ibang usapin kabilang ang problema sa kagutuman, kahirapan, edukasyon at kalusugan para sa ordinaryong mga mamamayan.

Show comments