MANILA, Philippines – Hindi maaabot ang kalayaan sa pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL), ayon kay Sen. Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng senador na “foolish attempt” ng administrasyong Aquino ang pagpapasa sa BBL na naglalayong bigyan ng P75 bilyon na pondo ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at bumuo ng sariling military at kapulisan.
“That’s why the BBL was a foolish attempt,” wika ni Marcos kahapon na inilarawan ang BBL na wala nang pupuntahan.
“Hindi na papasa sa Senado, hindi na papasa sa Congress,” dagdag niya.
Samantala, sa halip na isulong pa ang BBL ay sinabi ni Marcos na inaaayos nila ngayong ang substitute bill na mag pamagat na "Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region."
“Ako, gusto ko talagang ipasa, dahil palagay ko maganda iyong substitute bill. Palagay ko it’s a good first step para sa kapayapaan,” paliwanag ni Marcos na tumatakbong bise presidente.
Ito ang nakikitang susi ni Marcos upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao ngunit inaalala niya kung paano ito maipapasa dahil anim na sesyon na lamang ang nalalabi sa kanila.
Sinabi pa ng senador na nakaapekto sa pagpasa ng panukala ang isang taong pagka-late ng BBL draft at ang Mamasapano incident sa pagitan ng Special Action Force at MILF.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Marcos na nakatingin pa rin sila sa pagkamit ng kapayapaan sa kabila ng pagkabigo ng BBL.
“We are in all efforts to bring peace in Mindanao. We have not stopped despite of the failure of the BBL – the Palace version. We are continuing to look for all possible ways.”