MANILA, Philippines – Nakipagkita kay kamatayan ang isang lalaki matapos sindihan at yakapin ang paputok na "Goodbye Philippines" sa Sta. Mesa, Manila ngayong Bagong Taon.
Ayon sa ulat ng dzMM, lasing ang biktimang si Ronald Vericio nang sindihan niya ang malakas na paputok bandang 12:10 ng umaga.
Kaagad naisugod sa Ospital ng Sampaloc si Vericio ngunit dahil sa lala ng tinamong sugat ay kinailangang siyang ilipat sa Ospital ng Maynila Medical Center.
Sinubukan pang isalba ng mga doktor ang buhay ng biktima ngunit bumigay din ang katawan niya bandang 1:45 ng umaga.
Hindi pa naman malinaw kung bakit niyakap ni Vericio ang paputok matapos niya itong sindihan.
Samantala, isa pang biktima ng Goodbye Philippines ang naitala sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Naputulan ng kaliwang paa si Jerry Flores matapos masabugan ng naturang paputok.
Inapakan umano ni Flores ang paputok dahil sa pag-aakalang hindi na ito sasabog.
Umabot na sa 384 ang bilang ng firework-related injuries, kung saan 219 dito ay dahil sa paputok na Piccolo, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang kampanya ng DOH sa pag-iwas sa paputok ngunit nais ng kagawaran na ipagbawal na ito sa bansa.